Sinuspinde ang klase at trabaho sa Philippine College of Criminology (PCCr) sa Quiapo, Maynila kahapon matapos makatanggap ng bomb threat. Makalipas ang dalawang oras ay nakatanggap din ng banta ng pagpapasabog ang Adamson University sa Maynila.

Nabatid kay PC/Insp. John Guiagui, hepe ng Plaza Miranda police community precinct na alas-9:05 ng umaga nang unang matanggap ng tawag sa telepono ang administration office ng pagbabanta mula sa boses ng isang lalaki.

“Umalis na kayo riyan at may sasabog na bomba,” ayon sa lalaking caller.

Nang dumating ang mga tauhan ng Manila Police District-Explosives and Ordnance Division (MPD-EOD) sa PCCr ay nagnegatibo naman sa bomba.

Kaugnay nito, alas-11:30 naman ng umaga nang makatanggap rin ng bomb threat ang Adamson University na matatagpuan San Marcelino Street sa Ermita na kalaunan ay nagnegatibo rin naman ang bomb threat.