Pinababawi ng Sandiganbayan ang 146 mga paintin­g ng pamilya Marcos na gawa ng mga world renowned artist matapos mapatunayang iligal itong nakuha sa loob ng 20 taong rehimen ni dating Pa­ngulong Ferdinand Marcos.

Ito lamang ang tanging kaso na naipanalo sa Sandiganbayan makaraang matalo sa limang forfeiture case ang gobyerno laban sa mga Marcos sa nakalipas ng limang na buwan.

Kamakailan lamang ay natalo ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa P200 bilyong forfeiture case dahil sa kawalan ng ebidensya laban sa pamilya Marcos.

Sa 42-pahinang partial summary judgment, pina­boran ng korte ang gobyerno na kumpiskahin ang mga paintings na nagkakahalaga ng US$24,325,500 (P1.23 bilyon).

Ayon sa anti-graft court, nabigo ang pamilya Marcos na magpresinta ng mga ebidensya kung paano nila nabili at saan kumuha ng pondo sa pagbili ng mga mahahaling artworks na malinaw na basehan para sabihin na may prina facie case para sa forfeiture.

Ang mga artworks na pinakukumpiska pabor sa gobyerno ay ang 140 artworks na nasa listahan ng PCGG List of Missing Artworks; Grandma Moses Painting­s; artworks na nakalista sa A Report ng Metropolitan Museum of Manila’s Art Collection at iba pang mga artwork na nasa pagmamay-ari ng mga Marcos o mga kaibigan nito. (Tina Mendoza)