PCOO caravan sa Europe kailangan — Duterte

Walang nakikitang mali si Pangulong Rodrigo Duterte sa inilargang Press Freedom Caravan ng Presidential Communications and Ope­rations Office (PCOO) kung saan ilang opisyal ng ahensiya ang bumiyahe sa Europe para li­nawin ang mga maiinit na isyu sa Pilipinas.

Sinabi ng Pangulo na hindi siya nakikialam sa trabaho ni PCOO Secretary Martin Andanar lalo na kung para ito sa ikabubuti ng bansa.

Kailangan din aniya ang propaganda ng gobyerno para maiparating sa ibang mga bansa ang mga tunay na nangyayari sa Pilipinas.

Hindi aniya siya kontra sa caravan basta tiyakin lamang na walang masasayang na pera ng bayan sa biyahe ng mga opisyal.

“He is a Chief of Office, I do not tinker with the decisions of how to do it, do it better, and do it more better that the rest. Basta wala lang corruption and the funds are properly accounted, and he is the mainstay in the propaganda of government. We have to have a propaganda division you know. It’s a political entity itong presidency,” anang Pangulo.

Naunang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na puro propaganda lamang ng oposisyon at mga kritiko ng administrasyong Duterte ang nakakara­ting sa ibang bansa partikular sa Amerika at Europe na siyang pinaniniwalaan gayong hindi naman aniya ito ang talagang nangyayari sa bansa.