Nilinaw ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi pa nalusaw ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) na pinamunuan ni Secretary Martin Andanar.
Sa harap ito ng napipintong pagbuhay sa Office of the Press Secretary na pangangasiwaan ni secretary Panelo.
Sinabi ng kalihim na mananatiling kalihim si Andanar at mananatiling operational ang PCOO para maghatid ng serbisyo sa mga pilipino.
“I think until such time as the OPS is created the PCOO with him at the helm is still operational as an entity,” ani Panelo.
Ang pagbuhay muli sa OPS ay iminungkahi ng mga mambabatas na sinang-ayunan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang pinalitan ng PCOO ang dating OPS noong panahon ng Aquino administration.
Samantala, nasa final stage na ang Executive Order na magbabalik sa OPS bilang pamalit sa PCOO.
Sabi ni Andanar, nag-uusap sila ni Executive Secretary Salvador Medialdea para sa ilalabas na EO ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nakatutok aniya siya sa executive order para sa maayos na transition sa opisinang ibibigay kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Ako ay magpo-focus dito sa pag-finalize ng executive order na maging Office of the Press Secretary na. So nag-uusap kami ni boss ES dito,” ani Andanar.
Sinabi ng kalihim kay Panelo noong nasa Bali, Indonesia sila na nakahanda na ang transition team nila para mai-turn over ito sa kanya.
Sinabi pa ni Andanar na ang trabaho nila ay hindi permanente lalo na kung appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil kahit anong oras ay maaari silang maalis.
Hindi aniya sila dapat maging sentimental sa trabaho at ang mahalaga ay gawin ang trabaho. (Aileen Taliping)