PCSO galante! Komisyon ng mga ahente mas lumaki

Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemic na coronavirus disease 2019 (COVID-19) na mag-apply sa kanilang ahensya para maging authorized agent ng kanilang mga laro.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Marzan Garma, binabaan na ng ahensya ang kanilang application fee para maging ahente.

Paliwanag ni Garma, dati ay kinakailangan mong magbayad ng P2,500 na application fees para maging lotto agent at karagdagang P2,500 naman para maging ahente ng Keno.

Pero ngayon ay P2,500 na lang ang kailangan mong bayaran bilang application fee at maari ka ng maging Lotto, Keno at sweepstakes agent, saad ni Garma.

“This is what we call the 3n1 promo. Pay a one-time application fee of PHP2,500 and you can be a Lotto, Keno, and Sweepstakes agent, subject to compliance with other requirements,” saad ni Garma sa kanyang statement.

“We really want to reach out to those who lost their jobs, that’s why we in PCSO did not only lower the application fee but also the renewal fee. From PHP3,750 renewal fee, now it is only PHP1,000 for a period of 2 years,” pahayag ng opisyal.

Malalaking komisyon din ang naghihintay sa mga ahente ng PCSO sa kanilang mga jackpot games, kung saan makakakuha sila ng 7.5 porsyento sales commission habang 5 porsyento naman sa Digit games at Keno, 10 porsyento naman ang makukuha ng PCSO agent sa scratch cards.

Bukod sa komisyon ay makakakuha naman ang 1 porsyento ang ahente sa jackpot prize ng mananalong lotto ticket kung sa kanila ito tumaya.

Para sa mga interesadong maging PCSO agent o may iba pang katanungan ay maaring bumisita sa official facebook page ng PCSO, https://www.facebook.com/pcsoofficialsocialmedia, gayundin sa official website ng PCSO na www.pcso.gov.ph.(Edwin Balasa)