Magkakaroon ng magandang trial race mamayang hapon ang mga nakatakdang lumahok sa PCSO Maiden Race na sa Setyembre 16 sa MetroTurf Racing Complex.
Walong 2-year-olds ang nakalinyang sumali sa trial: Open Secret, Victorious Colt, Bridgeofdriverkwai, Holy Rain, Guenevere, Prosperity, Talitha Kuom at Royal Signal.
Dito matatahasan o masisilip kung sino ang puwedeng maging paborito sa Setyembre 16 kapag pormal na silang nagsagupa para sa primero premyong P600,000 na kaloob ng sponsor na Philippine Charity Sweepstakes Office.
Me bonus ding P50,000 ang breeder ng magkakampeong kabayo. Ang sesegundo ay tatanggap ng P225,000 at P125,000 sa tersero.
***
Super Weekend ang Setyembre 16 at 17 sa MetroTurf Racing Complex dahil sa Setyembre 17 naman ang Lakambini Stakes na merong kabuuang premyong P1.5-million mula Philracom.
Ang karerang paglalabanan sa distansyang 1,600 meters ay para sa mga 3-year-olds na fillies at ang magkakampeon ay magkakamit ng P900,000. Ang sesegundo’y bibigyan ng P337,500, ang tersero’t quarto ay P187,500 at P75,000.
***
Unti-unti nang nararamdaman ng industriya ang papaliit na bilang ng mga pangarerang kabayo sa bansa.
Tingnan na lang ninyo ang pagkulang ng mga karerang dapat sana’y ginaganap sa isang karerahan sa isang araw. Imbes na minimum na walo sa isang night racing, minsan ay nakakagawa na lang ng pito.
Sinasabi na dahil ito sa patuloy na pagbawas ng mga pangarerang kabayo at kaunting pagpasok ng baguhan sa populasyon. Isa pa, nagkandarapa kasi ang iba sa malaking papremyo na ipamimigay sa isang paparating na pakarera.