PCSO tuloy ayuda kahit tigil lotto

Walang tigil ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagtulong sa mga mahihirap ngayong panahon ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic matapos mamigay ng mahigit P14 milyong halaga ng medical assistance sa 1,934 beneficiary sa buong bansa sa dalawang magkasunod na araw.

Base sa inilabas na pahayag, sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na inaprubahan ng ahensya ang P7,394,146 halaga ng medical assistance sa 974 beneficiary noong Martes at P6,978,789 naman ang inaprubahan para sa 960 pa nitong Miyerkoles.

Ang Medical Access Program (MAP) na dating tinatawag na Individual Medical Assistance Program (IMAP) ay programa ng PCSO para makatulong sa mga pangangailangang medikal ng mga mahihirap nating kababayan na kailangan ng ayuda para sa gastusin sa pagpapa-confine, chemotherapy, dialysis at post-transplant medicine.

Pinopondohan ito ng mga kita ng iba’t ibang laro ng PCSO na ngayon ay tigil na ng mahigit dalawang buwan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Garma, sa kabila ng pagtigil ng kanilang mga laro at walang kita ay patuloy pa rin ang ahensya sa paghahanap ng mga paraan para makatulong sa mga nangangailangang kababayan partikular sa kanilang gastusin sa ospital.

“Rest assured that the agency will find ways to meet the medical and health-related needs of all Filipinos, especially the marginalized,” saad ni Garma. (Edwin Balasa