Kahit nasa gitna ang bansa ng krisis dahil sa pandemic na coronavirus disease 2019 (COVID-19) , hindi tumitigil ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa paghanap ng ibat-ibang klase ng pagtulong sa mga mamamayan matapos ianunsyo ng ahensya ang pagtanggap nila ng online application para sa mga humingi ng tulong medical simula ngayong araw.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, nagtalaga ng online access ang PCSO para sa National Capital Region (NCR) upang tumugon sa medical assistance at requests para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia at post-transplant medicines.

Ang hakbang na ito dagdag pa ni Garma ay upang hindi na magtungo sa kanilang tanggapan ang mga humihingi ng tulong sa ahensya dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19.

Para sa mga nais humingi ng tulong, maaring bisitahin ang website ng PCSO na www.pcso.gov.ph, i-click ang E-Services at ang NCR Online Application.

Matatandaang nauna ng ipinagpatuloy ng PCSO nitong nakaraang linggo ang pagproseso ng mga request para sa medical assistance sa publiko na natigil dahil sa pagdeklara ng state of public health emergency sa bansa bunsod ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Garma, sinimulan na nilang muli ang processing sa request ng mga medical assistance para sa confinement o pagko-confine ng mga pasyente, gayundin sa outpatient request para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia at post transplant medicines, sa PCSO main office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City at sa iba pang sangay ng ahensya sa buong bansa.(Edwin Balasa)