By Dolly Cabreza
Patay na nang matagpuan ang isang empleyado ng Presidential Commission for The Urban Poor (PCUP) na hinihinalang inatake sa puso sa loob ng inokupahang hotel sa Quezon City nitong Biyernes nang gabi.
Kinilala ni P/Captain Juan Mortel ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktimang si Jesus Brenzuela Olmedo, 56, may-asawa, residente ng No. 62-D, Santiago St., Brgy. San Antonio, QC.
Sa imbestigasyon ni P/Corporal Morshid Tanog ng CIDU, alas-8:45 nang gabi (Abril 26) nang matagpuang patay si Olmedo sa ikalawang palapag ng Rosas Traveller’s Inn sa 1197 Gonzales Bldg., Brgy. Katipunan, Edsa Munoz.
Ayon kay Jayson Rellama, hotel supervisor, bandang alas-5:45 nang hapon ay nag-check in ang biktima at nang kontakin kung anong oras ang check-out ay hindi na umano ito sumasagot.
Dito’y napilitan ang pangasiwaan ng hotel na puwersahang buksan ang silid ni Olmedo at nabungarang nakabulagta ito sa kama at wala nang buhay.