Pabor at naniniwala ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagbabalik ng parusang kamatayan laban sa mga mapapatunayang sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay PDEA Director General Isidro Lapeña, ang parusang kamatayan ang nakikita nilang solusyon upang lalong mapalakas ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga manufacturer, smuggler, pusher at iba pang sangkot sa illegal drugs sa bansa.
“Manufacturers, smugglers, pushers and all the more coddlers and protectors of illegal drugs in the country, both foreign and domestic, who were proven guilty in court, deserve nothing more than capital punishment,” ayon kay Lapeña.
Bagama’t wala umanong hawak na datos ang PDEA, naniniwala itong karamihan sa mga bilanggong nasentensyahan ng habambuhay ay may mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Bukod dito, karamihan pa umano sa mga drug convicted ay nakakagawa pa ng kanilang business transaction sa iligal na droga sa loob mismo ng bilangguan kaya’t tuloy pa rin ang negosyo ng mga ito.
Habang ang mga banyaga naman na nahuhulihan ng mga iligal na droga ay napapabalik lang sa kani-kanilang bansa.