PDEA officer tinodas ng kabaro sa kubeta

Binaril at napatay ang isang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang dalawa ang nasugatan nang pumagitna at awatin ang kasamang intelligence officer na nakitang nakikipagtalo sa isa umanong kostumer sa comfort room ng isang kainan sa Quezon City, nitong Martes ng mada­ling-araw.

Kinilala ni PCpl. Christian Loyola, ng Criminal Investigation and Detection Unit ang namatay na biktimang si Mark Jerome Rivera Almeyda, 30, PDEA Intel officer-1, taga-Marville Subd., Maayao Kaunlaran, Lucena City.

Sugatan naman sina Joshua Gonzalo Marfil, 21, estudyante ng Maligaya Subd., QC, at Jhay-Ar Dalijan Ramos Jr., 23, binata, waiter, taga-Brgy. San Agustin, QC. Ang dalawa ay nakaratay ngayon sa Commonwealth Hospital and Medical Center sanhi ng tinamong mga bala sa ‘di pa batid na kalibre ng baril.

Agad namang naaresto ang suspek na si Jonathan Sagun Chua, 35, binata, PDEA Intel Officer, ng ICF San Fabian St., Brgy. 20, Tondo habang nakatakas ang kasamang si Rodolfo Lavarias Espeleta, 25, binata, PDEA Intel Officer at taga-Blk 59, Lot 33, Sto Niño 1, SJDM Bulacan,
Sa inisyal na report ni PSSg. Agrabiador Bartolome, ng QCPD Fairview Police Station 5, ala-una ng madaling-araw (Enero 7), nang maganap ang barilan sa loob ng Bodega Food Hub sa Mindanao Ave., Brgy. Greater Lagro.

Una dito ay namataang nagtatalo si Marfil at suspek na si Espeleta kasama si Chua sa may male comfort room ng nasabing establisi­myento.
Nagtangka namang awatin nina Almeyda at Ramos ang dalawa suba­lit sa halip na huminahon ay agad na bumunot ng baril si Espeleta at pinaputukan si Marfil.

Pagkabaril kay Marfil ay galit nitong pinagtuunang barilin ang umawat na sina Almeyda at Ramos.

Nang duguang bumagsak ang tatlong biktima ay tumakas na si Espeleta dala ang ginamit na baril habang isinugod naman ni Chua si Almeyda sa Fairview General Hospital subalit binawian din ito ng buhay.

Patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na PDEA officer habang inaalam ang motibo sa naganap na barilan. (Dolly ­Cabreza)