PDEA sa mga TV network: Celebrity drug test isumite

Ipinahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Ge­neral Aaron Aquino na dapat isumite ng mga TV network ang resulta ng drug test na isinagawa sa kanilang mga celebrity.

Ayon kay Aquino, oras na negative ang pinakahuling drug test sa isang artista na nasa kanilang watchlist ay aa­lisin na ito sa listahan para ma-clear na ang pangalan.

Nais din ikumpara ng PDEA ang hawak nilang listahan na kabilang sa mga nagpasailalim sa drug test.

Nauna rito ay ipinahayag ng pamunuan ng dalawang malaking TV network sa bansa na mahigpit ang pinapatupad nilang polisiya para sa drug-free workplace.

Sa isang pahayag sinabi ni ABS-CBN Corporate Communications head Kane Errol Choa na mahigpit ang patakaran nila sa mga empleyado kasama na ang mga talent at third party contractor na sumasailalim aniya sa random drug test.
Aniya, nakasaad sa mga kontrata at bahagi ng obligasyon ang pagsasailalim sa drug test at sinumang lalabag sa patakaran ay pinapatawan ng kaukulang parusa.

Maging ang pamunuan ng GMA 7 ay nagpalabas ng pahayag kung saan tiniyak nito na mahigpit ang kanilang patakaran para sa drug-free workplace. (Dolly Cabreza)