PDEA tutok sa bilibid drug trade

Naglagay ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng Liaison and Coordinating Office sa mga bilangguan partikular na sa New Bilibid Prison (NBP) upang tuluyan nang mabuwag ang illegal drug trade dito.

Kahapon ng umaga ay kapwa lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina Bureau of Corrections (BuCor) Officer-In-Charge Valfrie G. Tabian at PDEA Director General Aaron N. Aquino para muling pagtibayin ang kanilang pagsasanib puwersa at magtulungan sa kampanya kontra droga.

Bahagi rin ito ng mahigpit na implementasyon ng Republic Act 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa loob ng mga correctional institutions.

“The MOA is an extension of the previous agreement between the two agencies on March 25, 2015, except for the inclusion of additional provisions prescribing PDEA to have its own office inside the BuCor’s jurisdiction to effectively address the trafficking and other illegal activities relative to dangerous drugs,” pahayag ni Aquino.

Tampok sa programa ang inagurasyon ng PDEA Liaison and Coordinating Office na inilagay sa loob mismo ng NBP.

Aniya, kahit mahigpit na seguridad ang ipinatutupad sa mga bilangguan lalo na sa NBP ay nakakalusot pa rin ang mga kontrabando tulad ng droga.

Magiging katuwang ang mga personnel ng BuCor para sa mga gagawing operasyon ng PDEA sa loob ng NBP.

Nakasaad sa MOA ang palitan ng impormasyon at joint investigation sa pagitan ng BuCor at PDEA na may kaugnayan sa anti-illegal drugs ope­ration.

Awtorisado din ang PDEA magsagawa ng greyhound operations sa mga kulungan na nasa hurisdiksiyon ng BuCor lalo na sa NBP.

Kabilang dito ang Correctional Institution for Women sa Mandalu­yong City; Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Min­doro; Leyte Regional Prison sa Abu­yog, Leyte; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City at Davao Prison and Penal Farms sa Davao Del Norte.