PDIC inawat ng CA sa AMA Rural Bank-Aguiluz

Matatagalan pa bago makuha ng mga depositor ng kinandado nang AMA Rural Bank of Mandalu­yong Inc. ng mga Aguiluz ang kanilang mga pera matapos mag-isyu ang Court of Appeals (CA) ng writ of preli­minary injunction na nag-aawat sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) sa pagpapatuloy ng liquidation at deposit insurance ope­ration nito.

Inihayag ng PDIC nitong Biyernes na epektibo ang kautusan ng CA hanggang sa maglabas ito ng desisyon tungkol sa kaso.

Nababahala ang PDIC sa pangyayari dahil patatagalin nito ang proseso at ang pagba­yad ng deposit insurance claim ng mga depositor ng bangko.

Malaking dagok umano ito para marami na ang dapat sana ay nakatanggap na ng kanilang pinag-ipunan bago pa magpasko at may mga depositor din ang AMA Rural Bank na naospital at namatay na nang hindi man lang nagamit ang kanilang sari­ling pera.

Sabi ng PDIC, ang pagtanggi ng mga opis­yal ng AMA Rural Bank na i-turnover ang mga record at asset ng bangko pati na ang nauna nang temporary res­training order na inisyu ng CA at ang injunction kahapon ay lalo lang magpapatagal sa pagbayad ng insured depo­sit ng mga tao.

Sa ilalim ng batas, ang PDIC lamang ang may kapangyarihang pangasiwaan ang mga bangkong sinara na.

Sa kabila ng utos ng CA, nilinaw ng PDIC na sarado pa rin ang AMA Rural Bank at nanawagan ito sa mga depositor at kliyente ng bangko na tanging sa PDIC lamang makipag-ugnayan. (Eileen Mencias)