Dahil sa maigting na suporta ng Philippine National Police (PNP) sa kampanya kontra iligal na droga, krimen at terorismo ng gobyernong Duterte, nagpaulan si Pangulong Rodrigo Duterte ng pabuya at medalya sa mga miyembro ng kapulisan ng du­malaw ito kamakalawa sa Ge­neral Santos City.

Bago ang pamamahagi ng reward at medalya sa ilang miyembro ng PNP ay pinuri ni President Duterte ang mga kalalakihan at kababaihang kasapi ng Police Regional Office sa matagumpay na pagpapatupad ng ‘Project Double Barrel’ na anti-illegal drugs operations sa rehiyon.

Ininspeksyon din ni Duterte sa binisitang police regional office sa Tambler ang iba’t ibang nakumpiskang mga armas, katulad ng maliliit na kalibre, riffle, machine-guns at grenade launchers.

Nasamsam ang mga armas sa General Santos City, South Cotabato, Sultan Kudarat at iba pang kalapit probinsya.

Personal ding pinuri ni PDu30 ang team leaders ng task forces na nakatiklo sa mga galamay ng sindikato sa iligal na droga at kanilang matataas na kalibre ng baril, drug paraphernalias, at maging ang mga gamit sa paggawa ng bomba.

Bukod sa medalya ang bawat awardee ay tumanggap ng tig-P200,000 cash dahil sa kanilang ipinamalas na exemplary performance sa giyera kontra iligal na droga.