PDP-Laban magpupulong sa pagkalas ng mga miyembro

Magkakaroon ng general assembly ang mga natitira pang mi­yembro ng PDP-Laban sa Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso sa gitna ng pagkalas dito ng mga mambabatas.

Ayon kay House Deputy Speaker Johnny Pimentel, gaganapin ang pagpupulong sa Marso 4 na dadaluhan ng mga lider ng partido mula sa dala­wang kapulungan ng Kongreso sa pangunguna nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at Sen. Manny Pacquiao.

Tumanggi si Pimentel na sabihin kung ano ang kanilang mga pag-uusapan pero sinabi nito na si Velasco ang magiging overall in-charge sa pagpupulong.

Inamin ng mam­babatas mula sa Surigao del Sur na patuloy na nababawasan ang kanilang miyembro sa Kamara matapos kuma­las ang ilang opisyal ng partido at sumama sa mas maliliit na partidong kaalyado rin ng administrasyon.

“They have some discontent or whatever their reason, this is a democratic country, we cannot force them to stay in PDP and I bid them good luck,” ani Pimentel. Nabatid na mula sa 85 miyembrong kongresista, nasa 62 na lamang nga­yon ang kasapi ng PDP-Laban sa Kamara. (JC Cahinhinan)