Nilinaw kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang ‘failure of intelligence’ sa nangyaring pagsabog sa night market sa Davao City noong Biyernes ng gabi.

“I remember warning everybody that there’s going to be a reprisal because of the ongoing war in Sulu,” pahayag ni Duterte.

“We were forewarned. We were ready for this. There was a warning, not only in Jolo but (in) other­ places also,” paglilinaw ng Pangulo sa isinagawang press conference sa Davao City at aminadong posibleng may kinalaman sa pagsabog ang Abu Sayyaf Group (ASG).

Gayunman, tumanggi namang magbigay ng iba pang detalye ang Pangulo sa mga hawak na impormasyon ng pulis at militar at iginiit na tinatangka pang buuin ang bawat detalyeng nakakalap patungkol sa nangyaring pagsabog.

Nauna nang sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na bagamat ang ASG at drug lords ang pangunahing pinaghihinalaang nasa likod ng pagpapasbog ay kailangan pa ring hintayin ang anggulong ilalabas ng mga awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon.

Kaugnay nito ay inako ng ASG ang pag-atake, ­ayon kay Davao City Police Office spokeswoman Catherine dela Rey.