PDu30 bumuhos sa RH law

Binuhusan ng Duterte administration ng mala­king pondo ang Reproductive Health (RH) Law na naglalayong matulungan ang mga pamilyang Filipino na kontrolin ang pagdami ng kanilang mga anak.

Ito ang nabatid kay Albay Rep. Edcel Lagman na kanyang ikinatuwa dahil nangangahulugan na seryoso umano ang kasalukuyang admi­nistrasyon na ipatupad ang nasabing batas.

“As far as I know, ma­taas, mataas ang budget ng RH Law next year compare this year,” ani Lagman sa press conference ng Legitimate 8 kahapon kaya inaasahan­ nito na mas maraming­ pamil­ya ang matutulungan­ ng nasabing batas.

Nabatid kay Lagman na pinondohan ng P4.26 billion ang RH law sa susunod na taon na mas mala­ki ng halos P1 billion sa pondo ngayong taon na aabot lamang ng P3.27 billion, sa ilalim ng 2017 National Budget na nagkakahalaga ng P3.35 trillion.

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na isa sa mga adbokasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte ay maturuan sa pagpaplano ng pamilya ang mga Filipino.

Gayunpaman, wala pang dapat ipagsaya dahil maaaring ma-hijack pa umano ang pondong ito pagdating sa Bicameral conference meeting kaya dapat umano itong bantayan.