Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na tutuparin ang kanyang pangako na kung sino man sa mga miyembro ng kanyang pamilya ang ­sangkot sa corruption ay agad siyang magbibitiw bilang pangulo ng bansa.

Binanggit ito ni Pangulong Duterte ­matapos makaladlad ang pangalan ni Davao City ­Vice-Mayor Paolo Duterte sa isinasagawang ­imbestigasyon ng Kamara sa drug smuggling at corruption sa Bureau of Customs (BOC).

Ang batang Duterte ay idinawit ng broker na si Mark Taguba na bahagi umano ng grupo na ­nakikinabang sa corruption sa BOC. Makalipas ang ilang oras, binawi din ni Taguba ang kanyang paratang sa hearing ng Kamara.

Ayon naman sa Pangulo, buhay pa rin ang kanyang pangako na magbitiw sa puwesto kung mapapatunayan na sangkot si Paolo sa corruption sa BOC.

“Kung sino sa mga anak ko involved, I will immediately resign,” diin ni Duterte sa isang talumpati sa Philippine Development Forum na ginanap sa EDSA Shangrila sa Mandaluyong City.

Nanindigan pa ito na hindi siya magiging kapit-tuko sa puwesto dahil pagod na rin siya sa pagsisilbi sa gobyerno.

“Hindi ko na kailangan ang trabahong ito sa totoo lang,” ayon sa Pangulo.

Nagbabala din si Duterte na kung sino man ang kakutsaba ng kanyang anak sa corruption, agad niyang sisibakin sa puwesto ang mga ito bago siya magbitiw sa trabaho.