PDU30 MAKAKALUSOT SA REBYU NG UNHRC

alan-peter-cayetano

Kumpiyansa ang isang mambabatas na kayang-kayang ipagtanggol ng 16-member Philippine delegation na tumulak sa Geneva Switzerland sa pangunguna ni Sen. Alan Peter Cayetano si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa oras na humarap na ito sa bukas, Mayo 8 sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na magrerebyu ng mga human rights record ng Pilipinas.

Ayon kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe umaasa siyang mas pakikinggan ng UNHRC ang paliwanag ng dele­gasyong pinadala ng Pilipinas dahil ito ang siyang magsasabi ng tunay na sitwasyon sa Pilipinas kaysa bigyang bigat nito ang mga lumalabas na fake at exaggerated news sa social media patungkol sa giyera laban sa ilegal na droga sa bansa.

“Wala sapat na ebidensya na state-sponsored ang mga nagaganap na pagpatay at ito ang siyang nais nating bigyang-linaw sa UN,” pahayag ni Batocabe.

Kinatigan din ng mambabatas ang depensa ng delegasyon sa UNHRC ukol sa “principle of non-intervention in internal affairs”. Aniya, dapat may respeto sa soberenya ang bawat bansa na nangangahulugan na hindi ito dapat nakikialam sa kung paano tutugunan ng Pilipinas ang malaking problema nito sa ilegal na droga.

“Dapat walang pakialamanan eh. Ang diskarte sa isang bansa ay hindi pwedeng sabihin na gagana din sa ibang bansa. Kanya-kanya ng diskarte ‘yan, depende sa sitwasyon.

Iba-ibang panlasa ‘yan eh, iba-ibang putahe. Kung sila nagsa­sabi na hindi nagtagumpay ang kanilang giyera sa illegal drugs ay huwag agad sabihin na magiging palpak din sa Pilipinas, hintayin muna natin ang resulta. Bigyan natin ng chance ang Duterte administration,” paliwanag ni Batocabe.

Punto pa nito na hindi dapat mabahala ang UN sa giyera sa ilegal na droga sa Pilipinas dahil mapapatunayan sa mga isinagawang survey na suportado ito ng publiko.

“Hindi dapat manghimasok at makialam dahil hindi naman nila alam ang tunay na sitwasyon sa ating bansa,” dagdag pa nito.

Una nang sinabi ni Cayetano na handa nilang idepensa sa UN ang nangyayari sa bansa.

“We are always ready to defend our country, the President’s intentions, what’s happening in our country. But we are also honest there are human rights violations but not State-sponsored,” nauna nang pahayag ng senador.

Ang rebyu ng Universal Periodic Review (UPR) Working Group ay isinasagawa kada apat na taon, mali­ban sa Pilipinas ay 14 pang bansa ang isasa­ilalim din sa rebyu.

Sa May 11 inaasahang ipalalabas ng nabanggit na Working Group ang rekomendasyon nito sa Pilipinas.