PDu30 maraming napapaniwala sa kasinungalingan — Rep. Alejano

Nagiging iresponsable umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga binibitawan nitong salita at marami naman umano ang naniniwala sa umano’y kanyang kasinungalingan.

Ito ang resbak ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano kay Duterte matapos tawaging ‘political ISIS’ si Sen. Antonio Trillanes dahil bira umano ng bira ang Senador sa kanyang pamilya kahit wala itong ebidensya.

“I dont know kung nabanggit ba ang pangalan ko don ano. Anyway, kung ganon nga ang sinabi, ang Pangulo ho ay pa­nay bato ng salita sa ere yan. He’s becoming irres­ponsible already no,” ani Alejano.

“Salita nang salita ang pangulo na hindi naman tinitingnan at problema dito ay maraming naniniwala lalo na ang kanyang mga supporters sa mga salita na mara­ming kasinungalingan. Kaya nga pabago-bago yong kanyang salita,” dagdag pa ng Kongresita na kagrupo ni Trillanes sa Magdalo.

Mainit si Trillanes sa pamilya Duterte dahil nais nitong ipatawag ang anak ng Pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at manugang nitong si Mans Carpio sa imbestigasyon ng Senado sa P6.4 Billion halaga ng shabu na dumaan sa Bureau of Customs (BOC).

“I think itong sinasabi na hindi alam ang sinasabi ni Sen. Trillanes o ng Magdalo, hindi ho tayo magsasabi ng walang basehan. Lagi nating bina backup-an ‘yan ng pag-aaral,” ani Alejano.