PDu30: May ginawa ako para ipagtanggol ang WPS sa China

Mariing itinanggi ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang ginawa para ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa South China Sea.

Binanggit ito ni Pa­ngulong Duterte matapos­ mairita sa mga banat ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na naging tahimik ito sa isyu ng territorial rights nang makipagpulong kamakailan kay Chinese President Xi Jinping, gayundin sa nakaraang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit kung saan chairman ang Pangulo.

“Kung sabihin nila wala akong ginawa sa China, I said you can ask the two generals, national security adviser (Hermogenes) ­Esperon and (Defense Secretary Delfin) Lorenzana,” wika ng Pangulo.

Aniya, sa harap mismo ni Chinese President Xi Jinping, sinabi nito na maaari siyang maghukay ng langis sa West Philippine Sea dahil sa pag-aari ng Pilipinas ang bahaging ito sa South China Sea.

“I said Mr. Xi Jinping I would insist that is ours and I will drill oil there. Harap-harapan talaga,” diin ng Pangulo sa isang talumpati sa Davao City.

Kung may hindi gumawa ng trabaho, ito ay ang dating administrasyong Aquino.

“Bakit hindi mo ginawa noong panahon mo?” patutsada ni Duterte kay Del Rosario.

Sinabi pa ng Pangulo na hindi lang niya itinuloy ang pagpapahukay ng la­ngis sa WPS dahil sa hindi lang naman ang China ang naghahabol sa teritor­yong ito kundi marami pang bansa sa Southeast Asia.