PDU30 MAY P1B SECRET DONOR SA OSPITAL AT REHAB

Pres. Rodrigo Duterte

Ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte na may napipintong tulong na matatanggap ang pamahalaan na isang bilyon na gagamitin sa pampapagawa ng ospital at rehab centers.

Ito ang ibinahagi ni Pangulong Duterte kahapon nang humarap sa mga sundalo sa 5th Infantry Division ng Philippine Army sa Gamu, Isabela.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay inanunsyo ng Pangulo sa mga sundalong maaaring makinabang sa proyekto ang magandang balitang tinanggap.

“I’d like to mention it to you now for the first time. Somebody is gi­ving us one billion. We will complete it so that kung maari lang, ipauna ko ‘yung sa Jolo. Doon ko ilagay ‘yung hospital na mga operating room. Lahat ng kailangan,” pahayag nito.

Hindi naman nito binanggit kung saan manggagaling ang bilyong pisong gugugulin sa pagpapagawa ng mga ospital at rehab centers.

“Somebody is giving us but he does not want me to mention his name,” dagdag ng Pangulo.

Ngunit naniniwala ito na darating din ang tamang panahon at lalabas kung sino ang nagmagandang-loob na ito sa pamahalaan.

“Pero ewan ko lang, someday maybe magle-leak rin ‘yan. He wants to start— as a matter of fact, I’m also starting to build the rehab for the addicts sa Cebu,” aniya pa sa talumpati kahapon sa Isabela.

Nangako rin ang Pa­ngulo na gagawin ang lahat para maging malapit ang mga ospital para marami ang maisalbang buhay.

Sa ngayon ay ginive-up na rin umano ni Pa­ngulong Duterte ang ilang presidential plane.

“Sabi ko, gamitin na ninyo ‘yan for ambulances for those na kaila­ngan ng ospital kaagad sa Maynila, madala kaagad kayo doon, to save lives and everything,” ayon sa Pangulo.