PDu30 naiinip na sa magiging karibal ng Smart at Globe

Naiinip na umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa ikatlong telecommunication company na magiging karibal ng mga higanteng Smart at Globe.

Sinabi ni Department of Information Technology and Communications (DICT) secretary Eliseo Rio na pine-pressure na sila ng Pangulo kung kailan magkakaroon ng 3rd telco player na inaasahang makapagbigay ng mas mabilis na serbisyo ng internet sa bansa.

Ayon kay Rio, batay sa kanilang timeline ay posibleng Oktubre ngayong taon ay mayroon ng pangalan ang bagong telco at mararamdaman ang serbisyo nito sa second quarter ng 2019.

“Talagang pine-pressure na ho kami ni Pa­ngulo at syempre mga tao rin. May mga parameters kasi na gusto naming matiyak para sa mabilis na serbisyo. Nakikita namin ang timeline na 4th quarter ay magkakaroon na ng 3rd telco,” ani Rio.

Pagsapit aniya ng second quarter 2019 ay aasahang may mga lugar na operational na ang 3rd telco.

Matatandaang inihayag ni Pangulong Duterte na March 2018 ay dapat mayroon ng 3rd telecom player sa bansa subalit sinabi ni Rios na hindi naabot ang target dahil sa dami ng mga dapat asikasuhin para makapagtatag nito.

Pero aasahan aniya na pagdating ng 3rd telco sa 2019 ay hindi na matatali ang mga internet subscriber sa monopolya ng Globe at Smart sa bansa.