PDU30 PALABAN PA RIN SA AMERIKA KAHIT ‘DI NAGMURA

Pres. Rodrigo Duterte

Kalmado at walang binitawang mabagsik o nanggagalaiting pagmumura si Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakahuling talumpati nito sa Cotabato City kahapon ng hapon.

Pero wala mang ibinugang ‘bad words’, patuloy pa rin ang paglalabas ng sama ng loob at pagkadismaya ni Pangulong Duterte sa Amerika.

Sa launching ng Comprehensive Reform and Development Agenda para sa Autonomous Region in Muslim Min­danao (ARMM) iba pang conflict affected areas sa Regions IX, X and XII na idinaos sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex (SKCC) sa Office of Regional Governor (ORG) Compound sa Cotabato City, muling naglitanya ng hinanakit sa Amerika ang Pangulo.

“Ba’t may mga ganyang away, pagka nasabi kong ayaw ko nang magmura sinasabi nila hindi kasi namin alam kung ano ang ibig sabihin. Alam mo simple lang naman ‘yan, Amerika ang problema sa atin ganito… kami may sama na nga nang loob noon pa, you know you occupied my country for 50 years and in your go­vernance ang… ninyo sa amin puro sheer, takot at kayo ang nag-umpisa ng patayan. Ayaw na ngang lumaban sa inyo pinagpapatay ninyo…

“Tapos doon sa Jolo, Marawi ang Davao grabe ang masaker pila-pila ang mga katawan. ‘Yan pa lang hindi na maganda sa amin ‘yan… I really do not know hanggang nga­yon hindi nila naintindihan kakabalik-balik ko lang pati ‘yang sinabi ko sa China ulitin ko lang po uli for your education para matuto ka… you are cri­ticizing me sa drugs ayo­ko namang pumatay ng tao sino ba ang may gusto but you picture me as if I enjoy killing my countrymen,” paliwanag ni Duterte.

Muling nakiusap sa mga kababayan si Pangulong Digong na unawain siya kung desidido man siyang tablahin ang tulong na manggagaling sa mga Kano.

“Dito sa droga makinig kayong mabuti hoy mga Amerikano… ‘yang style ninyo na pag hindi nahinto ‘yung patayan ganun ‘yung aid or assistance ninyo. Hindi ninyo ibibigay sa amin,” wika pa ng Pangulo.

Iginiit din ni Duterte na talagang ayaw na nitong magmura kaya payo nito sa Amerika ay maghanap na lang ng ibang bansa na kayang lunukin ang kanilang mga pang-iinsulto.