Wala pa mang pormal na anunsyo pero excited na raw ang ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Saudi Arabia sa bali-balitang papasyal sa nasabing bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sabi ni John Leonard Monterona, convenor ng United Overseas Filipinos Worldwide (U-OFW) at OFW for Peace Coalition (OPC), ang balitang pagbisita ni Pangulong Duterte sa Saudi ay kumakalat na sa Pinoy community at maging sa ilang grupo ng mga OFW sa nasabing rehiyon.
Kaya naman sabi ni Monterona kung rock star ang dating ni Pangulong Duterte sa mga binisitang bansa sa dinaluhang ASEAN Summit ay tiyak na “mega superstar” ang dating niya sa Saudi Arabia dahil sa kanyang popularidad hindi lamang sa hanay ng mga OFWs kundi maging sa mga expat workers at sa mga Saudi national.
Umaasa ang grupo ng mga OFWs na maisama ni PDu30 sa mga bansang bibisitahin ang Saudi dahil maraming benepisyo, anila, ang maaaring makamit dito ng Pilipinas. Bukod daw sa labor front ay makakatulong din ito sa bansa para makamit ang political at economic fronts.
Sa katunayan kasabay ng bali-balitang pagbisita sa Saudi ay maraming stranded OFWs ang gustong sumabay kay Pangulong Duterte pabalik ng Pilipinas.
Ang kumakalat na balitang ito sa Saudi sa hanay ng ating mga OFWs ay wala pang kumpirmasyon mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na siyang nakakaalam sa mga ganitong usapin.
Bukod pa sa ating pagkakaalam, ang mga bansang nakahilera para bisitahin ng Pangulo matapos ang dinaluhang ASEAN Summit ay ang Vietnam, China, Peru, at Japan.
Pero sana nga ay may sorpresang mangyari lalo na’t alam nating itong si Pangulong Duterte ay may matinding pagpapahalaga sa ating mga OFWs.
Katunayan dito ay ang agad-agad nitong pag-uutos kay Labor Secretary Silvestre Bello naiuwi na ng bansa ang mga stranded na OFWs sa Saudi sa halos isang buwan pa lamang nitong pananatili sa puwesto.
Kaya sa mga kababayan nating OFWs, anumang katotohanan sa balitang ito ay tiyak namang malalaman niyo kaagad dahil alam kong aktibo kayong lahat sa social media.