Peace roadmap sa Mindanao, negosasyon sa komunista

Inaprubahan ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte ang peace roadmap na imi­nungkahi ni Presidential Adviser on Peace Process Jesus Dureza na magiging kapalit ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na isinulong ng dating administrasyong Aquino.

Ayon kay Dureza, kasama sa isinusulong na bagong kasunduan na itinuturing ng Malacañang na ‘inclusive roadmap’ ang mga dati nang nabuong kasunduan sa mga makakaliwang grupo kasama na rito ang 1996 peace agreement.

Wala na aniya ang BBL at may bagong binabalangkas na batas at kasama umano sa mekanismo ang Bangsa­moro Transition Commi­ttee kung saan may 11 miyembro mula sa Mor­o Islamic Liberation Front (MILF), Moro Nationa­l Liberation Front (MNLF­) at Lumad na magsisilbing kinatawan sa peace process.

Samantala, ipinaha­yag din ni Dureza na magsisimula na sa susunod na buwan ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines (CPP).

Sa isang press brie­fing sa Malacañang, sinabi ni Dureza na Agosto 20 hanggang 27 ang gaga­wing peace talks at si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang magsisilbing chairman ng government peace panel habang si CPP Chairman Luis Jalandoni ang uupo sa kabilang panig.

Sa Norway aniya gagawin ang pag-uusap at ang naturang bansa ang siyang magsisilbing facilitator.

Inatasan na rin aniya ni Pangulong Duterte si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na ayusin ang legal na pamamaraan alinsunod na rin sa nilagdaang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) para pansamantalang mapalaya ang nakakulong na 11 lider ng mga rebeldeng komunista para makasama sa peace talks.