Peace talk hiniling na ituloy ng mga farmers

CPP-NPA

Umapela kahapon sa pamahalaan ang isang ma­laking farmers group sa Mindanao upang ituloy ang peace talks sa rebeldeng komunista matapos itong ibasura ni Pangulong Duterte dahil sa sunud-sunod na atake ng New People’s Army (NPA).

Naunang tinapos ni Duterte ang ­unilateral ceasefire ng ­pamahalaan bilang tugon sa pagbawi ng NPA sa sariling truce nito sa militar, ngunit apat na sundalo naman ang pinaslang nito at binihag pa ang tatlong tropa sa Mindanao.

Hinihingi ng NPA na palayain ang mahigit sa 400 mga rebelde na nakapiit sa mga bilangguan, ngunit tumanggi si Duterte at sinabing hindi ito magugustuhan ng military, bukod pa sa dapat munang magkaroon ng peace agreement sa naturang grupo bago ito maisakatuparan.

Ngunit sinabi naman ni Joseph Canlas, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, na ang pagpapatuloy sa peace talks ay mahalaga para sa mga magsasaka sa buong bansa na lumalaban para sa tunay na land reform, land distribution at pagba­bago sa ilalim ng pamahalaang Duterte.

Isinisi naman ng NPA kay Duterte at sa militar ang pagbagsak sa peace talks at sa kaguluhan sa Mindanao.

Ang pagtatapos ng ceasefire ng NPA, ayon kay Rigoberto Sanchez, NPA spokesman, ay isang paniniguro sa tunay na hustisya laban sa militar at pulisya, at upang bigyan ng patunay na dapat seryosohin ni Duterte ang pakikipag-usap sa kanila.