Pumalag ang Panay Electric Company (PECO) sa napabalitang hindi sila sumunod sa P631.33 milyong refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Taliwas sa lumabas na balita, sinabi ng PECO na binawasan na nila ang kanilang generation rate alinsunod sa utos ng ERC at bilang refund. Sa ngayon umano ay nasa P34 milyon na lamang ang hindi pa naibabalik sa kanilang mga consumer.
Ayon pa sa PECO, ang P34 milyon nilang kakulangan ay maibabalik lahat sa consumer sa 2nd quarter ng taong 2019. Alam umano ng ERC ang proseso ng refund na ginawa ng PECO at wala namang binanggit ang ahensiya na may iregularidad dito.
Ayon kay Engr. Randy Pastolero na siyang AVP-Operations and Compliance head ng PECO, fake news ang naglabasang balita na hindi sila nagbigay ng refund sa kanilang consumers at ang nag-aakusa ay malinaw na walang sapat na kaalaman sa kalakaran ng power distribution industry.
“If PECO was sanctioned by the ERC, they would not have given that merit,” ayon kay Pastolero. Tinawagan na rin umano nila ang ERC na wala namang sinabing may asunto sa kanila ang PECO.
Samantala, pinaalalahanan naman ng abogado ng PECO na si Atty. Manases Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang Congressional Franchise Committee na pinamumunuan ni Rep. Franz Alvarez sa kawalan ng due process sa pagbibigay ng prangkisa sa MORE Electric and Power Corporation (MEPC).