Sa hindi inaasahan, nakikitaan ng pagkontra si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa kagustugan ng kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.
Ito ay matapos kontrahin ni Mayor Sara ang pagsusulong ng federalism kahit ama pa nito ang may gusto.
Ikinatwiran ng alkalde na hindi tugma ang political climate ng Pilipinas sa isinusulong na sistema base sa sarili nitong opinyon.
Iginiit ng alkalde na lahat ng politiko ay may mga sari-sariling balwarte kaya kung ibibigay sa kanila ang awtonomiya, magkakaroon siya ng sariling kingdom at hindi maiiwasang maghahari at ipagpalagay na ang sarili nila ang pinakamataas.
“You would be surprised na I am not for federalism, lumaki ako sa Mindanao sa Davao City, Mindanao and nakita ko siya from 1980s to the 1990s and then ngayon. I believed yong political climate ng Philippines is not for federalism.
May mga balwarte lahat ang mga politician. And karamihan sa kanila especially doon sa Mindanao, may mga armas talaga yan, mga warlord talaga yan even dito sa Northern Luzon.
So, pag ibinigay ninyo ang autonomy sa isang warlord, ang mangyayari diyan, magkakaroon siya ng sariling kingdom, sila na ang pinakamataas na elected person sa lugar” pahayag pa ni Mayor Sara.
Sa susunod na taon, inaasahang pagtitibayin ng Kamara ang resolusyon para likhain ang Constituent Assembly (ConAss) na siyang reretoke sa 1987 Constitution upang makalipat sa federal system of government.