Nasawi ang isang pedicab driver makaraang salpukin ng taxi sa Quezon City kahapon nang madaling-araw.
Agad namatay dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Felix Arino, 54-anyos at nakatira sa 182 Agham Road, San Roque II, Brgy. Pag-asa, Quezon City.
Arestado naman at nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang taxi driver na si Wilfredo Javate, 57, na taga-Caloocan City.
Ayon sa Quezon City Police District-Traffic Enforcement Unit, dakong alas-4:30 nang madaling-araw nang maganap ang aksidente sa Agham Road partikular sa tapat ng Bureau of Fire Protection sa Brgy. Pag-asa.
Binabagtas ng taxi na minamaneho ni Javate ang kahabaan ng Agham Road patungong North Avenue nang mabangga nito ang likurang bahagi ng pedicab ng biktima.
Sa lakas ng pagkabangga, tumilapon si Arino at tumama ang ulo sa windshield bago tuluyang bumagsak sa sementadong kalsada, na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.