Pegasus, Heartbeat KTV isasara na

Hindi nakaligtas sa matinding epekto ng COVID pandemic ang malalaking night club at KTV bar makaraang ianunsyo kahapon magsasara na ang dalawang bigating entertainment club na Pegasus at Heartbeat KTV sa Quezon City .

Sa report, nagbigay na umano ng separation pay ang Jolliville Holdings Corp. kung saan si Jolly Ting ang chairman para sa mga empleyado ng nasabing mga club. Balita din na kasamang magsasara ang Air Force One.

Tatlong buwan nang sarado ang mga nasabing club at KTV bar dahil na rin sa Luzon-wide lockdown simula pa noong March 15 dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa pagsasara ng mga high-end night club, inaasahan na mawalan ng trabaho ang libo-libong regular employee tulad ng mga dancer at guest relations officer (GRO) na isinabay pa sa nararanasang health crisis sa Pilipinas.

Matatandaan na inanunsyo na rin ni Angie Mead King ang pagkandado naman sa mga pagmamay-ari niyang Victoria Court branch dahil na rin sa impact ng pandemic.

Lubhang naapektuhan ang entertainment industry dahil sa pandemya, na wala sa listahan ng Inter-Agency Task Force sa mga magbubukas na industriya habang humaharap ang bansa sa health crisis. (RP)