Pekeng COVID medical clinic sinalakay sa Paranaque

Arestado ang isang babaing Chinese na nagbebenta ng mga hindi rehistradong medisina at umano’y nanggagamot ng mga pasyenteng dinapuan ng COVID-19 sa ginawang pagsalakay sa kanyang klinika kamakalawa ng hapon sa Paranaque City.

Kinilala ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez ang nadakip na si Yumei Liang, 44, alyas Liza Wu ng Ayala, Alabang, Muntinlupa City na nagmamay-ari ng sinalakay na apat na palapag na medical clinic sa 3985 Lt. Garcia St. kanto ng Airport Road, Brgy. Baclaran habang nakatakas naman ang hindi pa nakikilala niyang kaanak.

Ang pagsalakay ay isinagawa ng magkasanib na puwersa ng Paranaque City Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) at City Health Office (CHO) sa pangunguna ni Atty. Melanie Marquez-Malaya batay sa natanggap nilang impormasyon hinggil sa panggagamot at pagbebenta ng mga medisina na umano’y nakakapagpagaling sa mga tinamaan ng COVID-19.

Dinakip din ng mga kawani ng pamahalaang lungsod ang utility boy ni Yumei na si Hinya Rodriguez na nadatnan sa loob ng gusali nang isagawa ang pagsalakay.

Nakumpiska sa ikatlong palapag ng gusali ang malalaking kahon na naglalaman ng tig- 400 pakete na may lamang 24 na kapsula na may tatak na Chinese character at may markang English na `Linhua Qingwen Jiaonang’, `Shuang Huang Lian Kou Fu Ye’ at mga amino acid injection na ginawa ng Kelum Pharmaceutical sa bansang China. May nakita ring mga `hospital bed’ sa ika-apat na palapag ng g gusali.

Ayon kay Malaya halos dalawang buwan pa lamang ang operasyon ng medical clinic ng suspek mula nang ideklara ang enhanced community quarantine noong Marso.

Hindi umano marunong magsalita ng Tagalog o English ang suspek kaya’t pawang mga Chinese national lamang ang kanyang mga kliyente na pumapasok sa klinika sa pamamagitan ng pagdaraan sa likurang pintuan ng gusali.

Sinabi naman ni Mayor Olivarez na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang alamin kung ang mga nakumpiskang gamot na hindi rehistrado sa Food and Drug Adminsitration (FDA) ay kahalintulad din ng mga nakumpiska kay Shi Jianchan na naaresto kamakailan sa Binondo, Manila habang nagbebenta ng medisinang nakakagamot umano sa COVID-19.

Umapela rin ang alkalde sa Bureau of Immigration para sa madaliang pagpapatapon sa China ni Yumei bunga ng ginawa nitong pagbubukas ng klinika ng walang kaukulang permit pati na ng pagbebenta ng gamot na hindi rehistrado sa FDA. (Edison Reyes)