Pekeng empleyado ng DBM arestado

Kalaboso ang isang 35-anyos na lalaking­ nagpapanggap na empleyado ng Department of Budget and Management (DBM) para makapangotong sa mga pulis sa Sampaloc, Maynila Linggo ng gabi.

Sinampahan ng kasong paglabag sa Article 177 (usupartion of authority or official functions) ng Revised Penal Code ang suspek na si Joseph Pajila Sr. na residente ng 769 Dos Castillas St., Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Police Cpt. Edwin Fuggan, hepe ng Lacson Police Community Precinct (PCP), dumating ang suspek sa naturang himpilan dakong alas-7:30 ng gabi at nagpakilalang taga-DBM.

Humingi umano ito ng tulong sa mga pulis dahil tinamaan ng dengue ang kanyang anak at naka-confine sa San Lazaro Hospital.

Naawa naman umano ang mga pulis sa Lacson PCP kaya nagkanya-kanyang dukot sa bulsa para mabigyan ng pera ang suspek na pampagamot sa kanyang anak.
Pero nang tumawag umano si Fuggan sa San Lazaro Hospital para tulungan ang suspek at anak nito ay doon na nabuking ang modus ni Pajila.

Nalaman na wala ang pangalang binigay ng suspek na naka-confine sa nabanggit na ospital.

Hindi na pinalabas ng presinto ang suspek at ginamit pang ebidensya laban sa kanya ang mga pera na ibinigay ng mga pulis. (Juliet de Loza-Cudia)