Pekeng FB account panakot sa anti-terror bill – Ping

Duda si Senador Panfilo `Ping’ Lacson na mga kritiko ng anti-terrorism bill ang posibleng nasa likod ng biglang pagkalat ng multiple Facebook account bilang parte ng kanilang “scare tactics” laban sa kontrobersiyal na panukala.

“Nakakabahala in the sense na pwede isama `yan sa scare tactics… for all we know, `yung kumokontra ang nagpapakalat niyan para matakot ang mga tao by dishing out disinformation,” sabi ni Lacson sa panayam sa CNN Philippines.

“For all we know, sila rin may gawa niyan, part ng scare tactics nila ‘yan na mag-post sa FB or social media ng mga panakot,” aniya.

Sa kabila nito, binalewala ni Lacson ang mga sinasabi ng mga kontra sa anti-terrorism bill at inihayag na parte lamang ang mga ito ng disinformation campaign laban sa panukala.

“Ito ang mga disinformation campaign na kumakalat ngayon. Kaya ibalik ko sa kanila, baka sila rin may gawa ng trolls na nananakot na may dadamputin,” ani Lacson. (JC Cahinhinan)