Nagbabala kahapon ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botante tungkol sa mga kumakalat na maling impormasyon kaugnay sa idaraos na halalan sa Mayo 13.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, may mga namomonitor sila na mga maling impormasyon, partikular ang proseso sa botohan kung saan kailangan pang magpakita ng identification card o voter’s ID para makaboto.

Wala aniyang katotohanan ito at hindi na kailangan pa ang voter certification o voter’s ID sa pagboto.

Pero nilinaw ni Jimenez na kailangang magpakita ng ID ang isang botante kapag may kumuwestiyon sa kanyang identity.

Pinabulaanan din ni Jimenez ang mga balitang maaaring malaman sa bilangan pa lamang ng boto kung sinong kandidato ang ibinoto.

“There is no means for anyone, not even the Come­lec, to determine who were voted by indivi­dual voters,” ani Jimenes.

Nilinaw din nito na 12 lamang ang ibobotong senador.

“There is no way for the vote counting machine to determine who among the 13 is your 13th choice (for senator). So it will just consider it as stray votes,” ani Jimenez.