Isang lalaki na nagpakilalang kawani ng Philippine Sports Commission (PSC) ang naaresto nang tangayin ang salapi ng anim na kataong pinangakuan nito ng trabaho sa nagaganap na South East Asian (SEA) Games kapalit ng malaking sahod kahapon sa Makati City.
Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, ang nadakip na si Rhoderick Malubago, 48-anyos, nakatira sa No. 1224 Batangas St., Brgy. San Isidro ng nasabing lungsod.
Ayon kay Simon, alas-12:30 nang hatinggabi nang arestuhin ng kanyang tauhan si Malubago sa kanyang tirahan bunsod sa reklamo ng mga biktima.
Sa pahayag nina Marlina Azur, 59; Roland Palapus, 34; Lorenze Manigbas, 33; Grace Garalde, 56; Arlene Magaso, 35, at Ronald Bellen, 34, pawang taga-Brgy. San Isidro, nakuhanan sila ng tig-P10,000 ng suspek kapalit ng pangakong trabaho sa nagaganap na SEA Games at sasahod sila ng P20,000 bilang mga messenger.
Ayon pa kay Col. Simon, nakuhanan din ng P10,000 ng suspek ang ilang mga biktima ng sunog sa Makati kaugnay sa proyekto umanong pabahay at lupa ng PSC para sila ang unang makinabang subalit huli na nang matuklasan nilang nalinlang sila ni Malubago.
Sa himpilan, itinanggi naman ng suspek ang alegasyon laban sa kanya.
Nakakulong ngayon at sasampahan ng kasong Estafa thru swindling sa Makati Prosecutor’s Office ang suspek. (Armida Rico)