Arestado ang isang babae na nagpanggap na tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang entrapment operation na isinagawa sa Las Piñas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspect na si Shiela Serrano, 30, residente ng Barangay Pulang Lupa 2 sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Senior Ins­pector Jay-r Fajardo, hepe ng Las Piñas Police Station Drug Enforcement Unit, nauna nang dumulog sa kanila si Kagawad Evelyn Biong ng Barangay Manuyo 2, at ini-report ang umano’y pana­nakot sa kanya ng suspect na si Serrano.

Nagpakilala umano si Serrano sa kanya na ahente ng PDEA, at sinasabing kabilang umano sa ‘High Value Target’ kaugnay sa iligal na droga si Biong.

Sinabi umano ni Serrano na malilinis ang pangalan ni Biong kung magbibigay ito ng P300,000.

Ayon kay Senior ­Inspector Fajardo, nakapagbigay na ng P100,000 si Biong noong Biyernes, bilang paunang bayad.

Kamakalawa ng hapon hinihingi na ng suspect ang kabuuang bayad mula kay Biong.

Lingid sa kaalaman ng suspect may ikinasang entrapment operation ang mga awtoridad at sa harap mismo ng bahay ng biktima isinagawa ang operas­yon sa Sitio Manukna, Barangay Manuyo Dos ng nasabing lungsod.

Nang aktong nag-aabutan na ng pera ay agad na dinakma ng mga tauhan ni Fajardo ang suspect at nakuha sa kanya ang isang 9mm na baril na kargado ng bala at ang marked money na ginamit sa entrapment operation.

Sa ngayon ang suspect ay nakakulong sa nasabing himpilan ng pulisya­ at nahaharap sa mga kasong robbery ­extortion, swindling at illegal possession of firearm at usurpation of authority.