Iniutos ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na paghuhulihin ang mga naglipanang pekeng traffic enforcers na nambibiktima ng mga motorista sa lungsod.
Sinabi ni Estrada, nakakasira umano sa magandang imahe ng MTPB ang mga pekeng enforcers na ito na nangongotong sa mga walang kamalay-malay na mga motorista, partikular na ang mga driver ng delivery trucks at maging mga operator ng lehitimong tow trucks.
“I will never, ever let this pass. Nakakahiya. We should all arrest these people and make them answer in the court of law,” ayon sa alkalde.
Nakarating kay Estrada na may mga nagpapanggap na mga enforcers na ito ay dating mga tauhan ng MTPB na kanyang sinibak noong Nobyembre.
Una nang pinagtatanggal ni Estrada ang lahat ng 690 traffic personnel ng MTPB noon dahil sa kabi-kabilang natatanggap niyang reklamo laban sa mga ito, karamihan extortion.
Ito ay pinalitan ng mga bagong grupo ng mga enforcers na mahigpit na sinala at sinanay ng Manila Police District (MPD)-Traffic Enforcement Unit (TEU).
Nitong Lunes lang ay tatlo na namang pekeng enforcers ang naaresto na kinilalang sina Jerome Miller, Mark Buzeta, at Rogelio Balatbat dahil sa pangongotong sa isang PUJ driver.