Mas malamang na apektado ang players ng Los Angeles Lakers na natsitsismis na handang pakawalan ng team para makuha si Anthony Davis mula New Orleans Pelicans.
Martes ng gabi, parang wala sa laro ang focus ng Lakers players nang ilampaso ng Indiana Pacers 136-94.
Ilan sa pangalang lumulutang na iti-trade para kay Davis sina Kyle Kuzma, Lonzo Ball, Brandon Ingram, Ivica Zubac at Josh Hart, may Lance Stephenson pa.
Tuloy ay parang nawalan sila ng ganang maglaro sa Indiana.
Sino nga ba naman ang magpupursige pang makipagpukpukan para sa team kung alam mo naman baka bukas-makalawa ay iti-trade kana pala.
Pero nitong Martes dalawang araw bago ang trade deadline, may ulat na lumabas na umatras na raw ang Lakers sa Davis trade.
Sa ulat ni Brad Turner ng Los Angeles Times, hindi na raw makikipag-usap ang Lakers sa Pelicans. Anim hanggang walong future draft picks ng Lakers, ang hinihingi raw ng New Orleans kapalit ni Davis.
Umayaw na rito ang LA.
Bukod sa future picks, gusto yatang kunin lahat ng Pelicans ang players ng Lakers na hindi nagngangalang LeBron James.
“They wanted more and more and more,” anang source ni Turner. “There was no more to give. They had cap-relief with (Solomon) Hill being in the deal. But the more they wanted the more it became outrageous and unrealistic.”
May dalawang araw pa bago ang trade deadline (Feb. 8 sa Manila). Abang-abang.