May napanood akong lumang pelikula ng Holywood actor na si Nicolas Cage hinggil sa rape case sa isang single mom na kanyang inimbestigahan pero pagdating sa korte talo ang biktima.
Inabsuwelto ng Judge ang kaso ng 5 suspek. Magkakilala ang Judge at abogado ng mga rapist pero hindi matanggap ni Cage ang kinalabasan ng kaso kahit pa siguradung-sigurado na ang mga suspek ay kilala ng biktima dahil kapalit lugar lang niya ang mga ito.
Bukod d’yan, saksi sa krimen ang anak ng biktima pero hindi binigyang bigat ng Judge ang testimonya ng bata kaya absuwelto ang mga ‘anay sa lipunan” na suportado ng kani-kanilang pamilya.
Malakas at mapera ang mga salarin dahil kaya nilang kumuha ng mabigat na abogado at tulad ng pangako sa kanila ay absuwelto sila sa karumal-dumal na krimen na kanilang ginawa.
Hindi ‘yun matanggap ni Cage kaya inilagay na niya ang batas sa kanyang sariling kamay at isa-isa niyang pinatay ang mga suspek. Naunawaan ko ang naging aksyon ni Cage.
Malinis ang pagpatay ni Cage sa mga suspek na siga din sa kanilang komunidad kaya hindi nalaman ng mga awtoridad kung sino ang pumatay sa mga rapist na naghahasik pa rin ng kaguluhan sa kanilang komunidad.
Hindi ko maiwasang sumagi sa isip ko ang pag-masaker sa pamilyang Carlos sa San Jose del Monte City, Bulacan. Kahit sino, hindi ‘yun katanggap-tanggap lalo na’t pati ang isang taong gulang na bata ay hindi idinamay.
Ang pagkakaiba lang ng kuwento ng pelikula ni Cage, dumaan sa due process ang kanyang kasong hawak. Nilitis sa korte at kahit malakas ang ebidensya ay inabsuwelto pa rin ng Korte.
Habang ang Person of Interest sa masaker sa Bulacan ay hindi pa nakakarating sa korte eh pinatay na ang tatlo sa apat na pinaghihinalaan pa lamang dahil ang ikalima at pangunahing suspek na si Carmelino Ibañez ay nakakulong.
Kung baga walang due process bago inilagay ng nasa likod ng pagpatay kina Anthony Garcia alyas ‘Tony’, Rolando Pacinos, alyas ‘Inggo’ at Roosevelth Sorima alyas ‘Ponga’ ang batas sa kanilang kamay.
Sakaling kasama ang mga ito nga sa masaker, parang minadali pa ng mga vigilantes ang kanilang buhay at iniwas na sila sa mas matinding pagdurusa sa loob ng kulungan.
Sana ipinatikim muna sa kanila ang buhay preso kung kasama nga sila sa mga pumatay sa mga biktimang Carlos pero hindi na ‘yun mangyayari dahil patay. Tanging si Ibañez na lang ang magdudusa kung sakali.
Pero paaano naman kung hindi talaga sila kasama sa krimen? Hindi na ‘yan masasagot dahil patay na ang mga POI. Mauunawaan ko ang pagpatay kung may malakas na ebidensya laban sa kanila pero inabsuwelto sa korte.
Sabi nga ni Congressman Harry Roque, nakakabahala ‘yan dahil kapag suspek ka pa lang, sentensyado ka na at papatayin ka ng mga vigilantes kaya mahirap daw maging suspek pa lang. (dpa_btaguinod@yahoo.com)