Inutos ni Philippine National Police (PNP) Director General Archie Gamboa ang crackdown sa pension scam sa kapulisan.
“We have identified them in the nationwide accounting of the police organization’s pensioners and we will immediately purge the list to clean the records once and for all,” pahayag ni Gamboa.
Dagdag pa ng opisyal na sasampahan ng kaso ang mga indibiduwal at grupo na nagsasagawa ng nasabing modus at gagawin ng PNP ang lahat para maaresto ang mga ito at sa posibleng pagbawi ng mga nakulimbat nila mula sa pondo ng PNP.
Base sa ulat na isinumite ni PNP Retirement Benefits Service acting director Col. Arthur Bisnar, umaabot sa 1,027 pensioner ang nadiskubreng hindi na karapat-dapat makakuha ng pension batay sa mandato ng Police Retirement Benefits Administration Service (PRBS).
Ayon naman kay Major General Reynaldo Biay, PNP Director for Personnel and Records Management at siyang overall supervisor ng nationwide accounting, ang mga nasabing pensioner ay posibleng patay na o umabot na sa age of majority kaya hindi na sila dapat makatanggap ng pension.
Matatandaang nauna nang inutos ni Gamboa sa kanyang 18 police regional office (PRO) director na pangunahan ang gagawing inisyal na nationwide accounting na sinimulan noong Pebrero.
Subalit dahil sa COVID-19 pandemic, nagpadala na lang ang PNP ng tracker team sa mga rehiyon upang malaman ang mga pensioner.
Simula Mayo 18, 2020 umaabot na sa 7,388 na mga pensioner ang na-account ng tracker team habang 1,027 iba pa ang hindi na qualified na makatanggap ng pension.
Kabilang sa mga disqualified na makatanggap ng pension ay ang mga namatay na noong 2012 at ang mga muling nagpakasal simula 2003 pero patuloy pa ring kumukuha ng pension.
Aabot naman sa 1,023 beneficiary ang hindi na mahanap habang 11 pangalan naman ang napatunayang may duplicate entry.
Sa ngayon ang mga disqualified na tumatanggap ng kanilang pension sa Landbank ay inilagay na sa hold status at ipinabubura na sa pensioners alphalist ng PNP. (Edwin Balasa)