Nakamtan ni Joanna Demafelis ang pangarap na bigyan ng magandang buhay ang kanyang mga kapatid at magulang.

Wala mang uwing pera at wala ring pasalubong na chocolate para sa mga kamag-anak, inihayag naman ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na may matatanggap na tulong-pinansiyal ang mga naulila ni Joanna.

Ang halaga ay sapat para makapagsimulang muli ang pamilya Demafelis.

Kaya lang, palit-buhay.

***

Matapos ang mahirap at mahabang pagla­lakbay, nakauwi na ng bansa si Joanna subalit malamig nang bangkay.

Mainit ang naging pagsalubong kay Joanna. Mula sa NAIA patu­ngong Iloilo International A­irport.

Ang malamig na bangkay ni Joanna ang nagpainit sa damdamin, hindi lamang ng mga kaanak ng nasawing OFW, kundi ng buong sambayanang Pilipino.

Nagngingitngit sa sinapit ni Joanna, katarungan ang isinisigaw, pinapanagot ang may sala.

***

Isa sa naging kaswalti ng pagkamatay ni Joana ay ang ‘deployment’ ng mga OFW sa Kuwait.
Agad iniutos ni PDu30 ang ‘ban’ sa pagpapadala ng mga Pinoy sa Kuwait lalo na ng mga domestic helper.

Dahil sa desisyon, ang relasyong diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait ay nalagay sa pagsubok.

Binanatan si PDu30 ng Kuwaiti Foreign Ministe­r at ginawa ito sa Washington­.

Tila nagsumbong pa kay Uncle Sam ang damuhong Arabo.

***

Ang labor officer na nakatalaga sa Kuwait ang sumunod. Ni-recall ng home office ang kanyang appointment.

Katulad ng kaso ni Joanna, maraming insidente ng pang-aabuso sa mga OFW ang hindi agad naaksiyunan ng labor attaché.

Ni-recall ang opisyal dahil sa pagpapabaya sa tungkulin o negligence.

***

Kung mayroong go­vernment to government transaction na pinapasok ang Pilipinas sa ibang bansa sa pagbili at pagbenta ng produkto, dapat ding ipatupad ito sa pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa.

Kung gobyerno sa gobyerno ang transaksiyon sa pagde-deploy ng mga Pinoy sa ibayong dagat lalo na sa mga bansang Arabo, maiiwasan ang pagkakaroon ng mga pagbabago sa kontrata at biglaang pagpapalit ng amo na karaniwang nangyayari ngayon.

Alisan ng papel ang pribadong sektor sa pagde-deploy ng mga OFW, dahil kapag nagka-aberya tulad ng nangyayari ngayon, ang gobyerno ang kumikilos.

Ang perang ginagastos galing kay Juan dela Cruz.

***

Panahon na para tuldukan ang operasyon o negosyo ng mga recruitment o placement agency na nagde-deploy ng mga OFW sa ibang bansa.

Tutal kumita na sila mula sa pawis at dugo ng mga OFW. Humanap na lang sila ng ibang pagkakakitaan.