Lumago ang remittance ng mga overseas Filipino worker (OFW) ng 4% noong unang apat na buwan ng taon ngunit bumagsak naman ang pera padala ng mga Pinoy na nasa Canada, China, at Middle East.

Batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kahapon, tumaas ng 4% ang remittance ng mga OFW sa $9.74 bil­yon mula Enero hanggang Abril nga­yong taon kumpara sa itinala na $9.35 bilyong remittance sa kaparehong mga buwan noong 2018.

Ayon sa BSP, sumadsad ng 25% ang remittance ng mga Pinoy na nagtratrabaho sa mainland China sa $10.9 mil­yon noong unang apat na buwan ng taong ito mula sa $13.57 milyon na itinala sa parehong panahon noong 2018 samantalang tumaas naman ng 13% ang remittance mula Hong Kong sa $282.62 milyon.

Bumagsak naman ng 9% ang remittance ng mga Pinoy mula sa Middle East sa $2.05 bilyon noong unang apat na buwan ng taong ito kumpara sa $2.25 bil­yon sa parehong panahon noong 2018.

Ayon sa BSP, bumaba rin ang remittance ng mga Pinoy na nasa Canada ng 4% sa $344.55 milyon mula sa $358.46 milyon habang lumago naman ang remittance ng mga Pinoy sa Estados Unidos ng 10% sa $3.5 bilyon mula sa $3.17 milyon. (Eileen Mencias)