Peralta, Reyes handang pumalit kay CJ Bersamin

Nagsimula na ang public interview ng Judicial and Bar Council (JBC) sa mga aplikante para sa pagka-chief justice ng Supreme Court (SC).

Unang sumalang sa mga nagnanais na maging susunod na punong mahistrado si Associate Justice DiosĀ­dado Peralta, ang pinaka-senior sa mga aplikante.

Sa kasagsagan ng interbyu, mariing itinanggi ni Peralta na isa siyang aroganteng mahistrado ng SC dahil sa pakikisama umano nito sa kanyang mga staff at iba pang empleyado.

Si Justice Peralta ang nagsulat ng desisyon na nagpapahintulot ng retroactive application ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Kabilang sa mga ipinagmalaki ni Peralta kung pag-uusapan ang kanyang intellectual leadership ay ang desiyon ng SC sa retroactive application ng GCTA Law at ang pagkakaroon ng limitasyon sa airtime ng mga kandidato sa panahon ng halalan.

Sunod naman na sumalang si Associate Justice Jose Reyes Jr. na 69-anyos na nito lamang Setyembre 18.

Unang inusisa ng JBC ang kalusugan ni Reyes.

Ayon kay Reyes, may mga iniinom siyang gamot at nagsasagawa rin umano ito ng tamang diet at plano ring ipagpatuloy ang regular na ehersisyo kung kaya naniniwala siyang kaya niya ang posisyon sakaling mapiling punong mahistrado.

Bukod kina Peralta at Reyes, sasalang din sina Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Andres Reyes Jr.,

Mababakante ang puwesto ni Chief Justice Lucas Bersamin dahil magreretiro na ito sa Oktubre 18. (Lorraine Gamo)