Kumalmot si Sherwin Concepcion ng 14 points, limang rebound at assist nang sakmaling muli ng Sto. Tomas Growling Tigers ang UP Fighting Maroons maski nagbalik na si coach Bo Perasol mula suspensiyon, 84-78, sa 82nd UAAP seniors basketball tourney 2nd round elims Miyerkoles sa SM Mall of Asia Arena.
Nagbakas si Soulemane Chabi Yo ng 14 markers at 10 boards para isampa sa 6-5 win-loss record ang USTe at masolo ang tersero habang binalya sa 6-4 ang State U pero ‘di natinag sa segundo.
“It was a good game, it’s was a good win. It was a close game, being a young team and making a right decision down the stretch, that was big for us,” suma ni UST coach Aldin Ayo.
Nagtala rin ng 16 three-point shots ang España-based squad sa laban, kabilang ang sa pinaleng 53.4 seconds na back-to-back nina Brent Paraiso at Renzo Subido para makalamang sa 82-78.
Kahit nainjured sa second quarter, nakabalik pa rin sa laro si Kobe Paras na ‘di nga lang nasandalan ang 18 pts., limang rebs. at tig-dalawang assist at block niya ng Peyups.
Sa likod naman ng 10 pts. at 15 rebs. ni Angelo Kouame, dumalawa rin ang reigning titlist Ateneo Blue Eagles (11-0) laban sa Far Eastern Tamaraws (5-6), 65-55. (Janiel Abby Toralba)