Pangungunahan nina CJ Perez, Robert Bolick at Bobby Ray Parks ang 48 hopefuls na nagpa­lista para sa 2018 PBA Rookie Draft sa Dis. 16 sa Robinsons Place-Manila.

Huling humabol ang mga player ng UP na sina Paul Desiderio at Diego Dario. Tinapos muna ng dalawa ang kampanya ng Fighting Maroons sa UAAP Season 81 Finals kontra eventual champion Ateneo Blue Eagles.

Noong nakaraang season ay 44 lang ang nagpa-draft.

Sa Dis. 14 isasapubliko ang final list, dalawang araw bago ang draft proceedings na maghuhudyat sa pagsisimula ng 44th season ng PBA.

Sasailalim ang mga nagpalista sa Draft Combine sa Dis. 12-13 sa Hoops Center sa Mandaluyong.

Columbian Dyip ang unang pipili ngayong taon.

Early birds na nagpalista sina Trevis Jackson, Matt Salem, Bong Quinto, Robbie Manalang, Abu Tratter, John Paul Calvo, Michael Calisaan, Teytey Teodoro, Javee Mocon at Carlos Isit.

Tatlong players na may pare-parehong apel­yido ang kasama sa draft – sina Kyles Lao ng UP, Kent Jefferson Lao ng UST, at Edrian Lao ng University of the Visayas.

Columbian din ang may hawak ng No. 1 pick noong nakaraang taon pero pinamigay nila sa San Miguel Beer, na ginamit para hugutin si Fil-German Christian Standhardinger.