Perez, F2 Logistics balik-kampeonato

Swak sa championship round ang defending champion F2 Logistics matapos walisin ang Foton, 25-19, 25-18, 25-21 sa Game 2 kahapon sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix semifinals sa FilOil Flying V Centre, San Juan.

Hindi na pinaporma ng Cargo Movers ang Tornadoes matapos nilang sandalan ang kanilang pambatong import na si Most Valuable Player Maria Jose Perez kaya naman lumakas ang tsansa nilang masilo ang back-to-back titles.

Tumikada si Venezuelan spiker Perez ng 21 points, nakatuwang niya ang kapwa import na si American Kennedy Bryan na may 10 puntos.

Sunod na babanat ang F2 Logistics sa Game One na ng best-of-three finals na gaganapin sa Araneta Coliseum, makakalaban nila ang mananalo sa pagitan ng Petron at Cocolife na nagsasalpukan pa habang tinitipa ang istoryang ito.

Kumana sa opensa para sa Foton sina American reinforcement Elizabeth Wendell at Channon Thompson ng Trinidad and Tobago na may pinagsamang 21 markers. (Elech Dawa)