Nagkaharap na ang top two prospect sa nagdaang 2018 PBA Rookie Draft, at sa nasabing laban, wagi ang second pick kontra sa first pick.

Pero kung tatanungin si Columbian Dyip forward Perez, walang ibig sabihin ang draft order dahil para sa kanya, alam niyang mas may karanasanan na si Blackwater Elite rookie Bobby Ray Parks, Jr. sa basketball scene.

“Actually yung one and two, numbers lang yun eh. Si Ray Parks, ang dami na na-experience niyan. Nag-ABL siya at nag-MVP siya roon so syempre mataas yung respect ko sa kanya,” ayon sa dating Lyceum star.

Bago tumawid sa PBA, ilang liga muna ang pinaglaruan ni Parks, matagumpay na nakasalang sa NBA D-League para sa Texas Le­gends sa Amerika, tapos ay gumawa ng ingay sa Asean Basketball League kung saan ginawaran ng tatlong local MVP plum at naglaro rin sa grassroots league na Maharlika Pilipinas Basketball League.

Salat man sa eksperiyensya, nakasabay si Perez, may 17 points ang ambag sama ang pitong rebounds kontra sa 23 markers at tig-limang boards at assists ni Parks.

“Nandoon lagi yun, yung challenge and the competition. It’s a great experience na makalaban si Ray Parks,” lahad ni Perez. (RMP)