Perez may hangover pa sa All-Star Weekend

Parang lumulutang sa alapaap si rookie CJ Perez pagkatapos ng unang stint niya sa PBA All-Stars.

Nabinyagan sa mid-season spectacle ang top pick ng Columbian Dyip sa harap ng mga kababayan niya sa Calasiao, Pangasinan.

Sa bayan ng Bautista lumaki si Perez, doon pa rin nakatira ang nanay niya. OFW noon sa Hong Kong ang ina nang ipanga­nak si Perez, 25.

Sa Urdaneta siya nag-aral, noong magsimulang mahilig sa basketball ay dumadayo-dayo na rin aniya sa Calasiao.

“Paikot-ikot lang kami sa Pangasinan, sa La Union,” hayag ng high-flying 6-foot-2 guard. “Dito kami naglalaro, pustahan.”

Nakakaintindi lang daw siya ng kaunting Pangasinense.

“Ilokano lang alam ko, kuya,” natatawa niyang sabi.

Pagpasok ng Calasiao Sports Complex, hindi binigo ni Perez ang mga kababayan.

Siya ang tinanghal na MVP sa Rookies-Sophomores vs. Juniors game noong Biyernes kung saan ginulat ng R-S ang Jrs. 141-140. Nagsumite siya ng 32 points sa likod ng 6 for 12 shooting mula 3-point range, kumana ng 18 sa fourth nang ibalik ang Rookies-Sophomores.

Excited daw siya, sobra.

“Happy na nakapag­laro ako sa All-Stars. Karangalan ‘yun kasi first year ko, nakasama ako agad,” dagdag ng produkto ng Lyceum Pirates.

Hindi pa doon natapos ang palabas ni CJ.

Giniyahan din niya ang Cignal White sa come-from-behind 22-19 win laban sa Cignal Blue sa 3×3 event sa halftime ng North vs. South noong Linggo.

Kasama ni Perez ang teammate niya sa Lyceum na si Jesper Ayaay, Jerry Codiñera, Isaac Go at Matt Nieto. Sa Blue sina former San Beda buddies Robert Bolick at Javee Mocon, at sina Alvin Patrimonio at Mike Nieto. (Vladi Eduarte)